Matapos kong bilhin yung kape ko na sinamahan ko na lang rin ng isang donut para maging value meal at makatipid ng pitong piso (ito ang magiging pamasahe ko ngayong gabi papunta sa terminal ng tricycle na papasok dun sa kung san mang lupalop ako nakatira), eh nagawi na ako dun sa sakayan.. Nakita ko itong isang bata -- mga nasa elementarya, medyo loose ang damit at may malaking bag sa likod -- na nakikipag-usap sa isang tricycle driver. Di nagtagal pag-uusap nila, iniwan sya nung langyang driver kasi di ata nagkasundo sa bayad. Kaya ayun, sa lamig ng gabi eh nag-antay ulit ang bata ng masasakyan. Ako naman, dahil di naman ako mahilig makialam sa mga bagay-bagay sa mundo, eh naghintay rin ng masasakyan.. papara minsan ng tricycle, makikipagtawaran, tapos iiwan ang driver habang nag-iisip, at minsanang iniinom ang mapait na kapeng nabili sa Dunkin Donuts (pangalawang beses ko nang binanggit to, tsk. bayad! bayad!).
Habang nasa kalagitnaan ako ng pagtri-trip ko sa mga mukhang perang driver eh lumapit saken yung bata.
"Lagao ka rin kuya?", tanong nya.
"Oo. Ba't ikaw, san ka?"
"Sa Lagao rin, sa may Capareda Street."
"Ah okay. San banda, papasok ka pa ba o sa kanto ka lang?"
"Sa kanto lang po."
"Sige, sabay na tayo. San ka ba galing?"
"Kukuha sana ako ng uniform, kaso sarado na yung patahian.. Sumali kasi ako sa isang skateboard competition, may libreng uniform."
"Ah okay."
La na kaming imikan nung bata. Makalipas ang ilang minuto eh kinausap nya ako ulti. "Di ako pinasakay nung driver kanina kasi raw eto lang bayad ko." sabay bukas ng palad at ipinakita sa akin ang barya niya. Mentally, binilang ko. Anim na piso. Sa loob-loob ko, lintik na driver, piso nalang kulang, di pa pinasakay?! Amfutek. "Hayaan mo na yun," kako, "ako na bahala sa iyo." (kahit kasi di nya pa sabihin, di naman ako ganun katanga para di makuhang nagpapatulong siya) Bigla ko naalala nun na meron pala akong isang donut, kinuha ko't iniabot sa kanya. Tinanong nya ako kung ano ba daw yun.. kako, donut, sayo nalang.. (busog naman kasi ako't pag dinala ko yun sa bahay eh alam kong pag-aawayan lang yun ng mga kapatid kong mga pataygutom na gaya ko)
Di nagtagal eh nakasakay nga kaming dalawa -- ako at yung bata na pinapapak na ang bigay kong donut.. marami kaming kasabay papunta rin sa Lagao, isa nalang at puno na ang trike.. habang binabaybay namin ang daan eh wala kaming imikan nung bata.. marami kasi akong iniisip (sobrang ogag ng braincells ko, kung kelan ako pagod, saka marami akong naiisip.. gusto ata akong i-torture). Nang malapit na kami sa bababaan niya, iniabot niya sakin ang bayad niya sabay sabing "Kuya, eto na bayad ko oh.." Itinaas ko ang kamay ko sabay sabing "Naku wag na, ako na bayad sayo." "Huh? talaga?" tanong nya. Gusto ko siyang sigawan na ako na manlilibre pero nagpakahinahon ako't nagwikang "Oo. Ako nang mamamasahe para sa iyo. Okay?" Matapos nito'y pinahinto na niya ang driver at bababa na raw siya.. alam kong di siya sanay sa ganito at ako rin eh hindi (kasi naman kahit sanay akong magpaka-hero sa mga uod, lamang dagat, at iba pang hayop eh di ako kelan man nagpaka-hero ng ganito sa isang tao). Nasiyahan lang ako kasi alam kong bukal sa loob niya ang pagpapasalamat sa akin nung pababa na siya. Dalawa o tatlong beses? Di ko na alam kung ilang beses niyang sinambit yun pero ang sarap pakinggan.
Ang gaan ng loob ko matapos ng eksenang to (feeling ko nga eh sobrang nagliliwanag ako't nagkaron ng halo nung oras na yun). Kahit na sanay na ako manlibre ng kung anu-ano at inaabot pa ng ilang daan o libo nagagastos ko sa panlilibre eh di ko pa to naramdaman.. iba pala talaga ang galak na naidudulot ng sincere na pagtulong at pagpapasalamat sa tulong na nagawa mo. Kahit na di kami magkakilala at tanging alam lang namin sa isa't isa eh pareho kaming nakatira sa Lagao area, at alam kong skaterboarder sya't anim na piso lang pera niya pauwi sa bahay nila, at ang alam nya lang lang saken eh isa akong lalaking ubod ng gwapo, matipuno ang katawan, matalino, umiinom ng kapeng sobrang pait, namimigay ng donut at nanlilibre ng pamasahe; alam kong magkatali na buhay namin.. (sharks naman, parang mag-jowa o mag-asawa) Siguro makakalimutan nya ako isang araw (subukan nya lang, papapatay ko sya) pero alam kong paminsan-minsan eh maaalala nya ako at ang kadakilaan ko (alam kong magagawa nya yun, nakita ko kasi kung pano niya ako o ang tricycle lingunin nung nakaalis na kami't siya naman eh naglalakad na papunta sa kung san mang bahay nila) at siya naman eh habang-buhay kong papasalamatan sa pagtuturo at pagpapalasap sa akin ng sarap ng pagtulong at pagpapaalam sa akin na pwede ako maging superhero kahit di nakalabas ang brief ko't sa pamamagitan lang ng pitong piso.